Tunghayan ang Endo, ang pinakahuling pelikula mula sa mga lumikha ng Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros at Sarong Banggi!
Palabas na sa Pebrero 13 sa SM, Glorietta at Gateway Cinemas.
Ang Endo ay kuwento ni Leo (Jason Abalos), isang manggagawang kontraktwal na sanay na sa kawalang-katiyakan. Tulad ng maraming kabataang Pilipino, nagpapalipat-lipat siya sa mga panandaliang trabaho upang suportahan ang kanyang pamilya. Tulad ng trabaho, ang kanyang mga relasyon ay panandalian lang din. Nang makilala niya ang dalagang si Tanya (Ina Feleo), naharap siya sa posibilidad ng mas matiwasay na pamumuhay, ngunit mukhang hindi niya pa ito lubos na mapapangatawanan.
Para sa pinakahuling balita tungkol sa Endo, hanapin kami sa aming blog: http://endothemovie.multiply.com/ o bisitahin ang aming opisyal na website: http://endothemovie.com/
_______________________________________________________________________
Dahil mga karaniwang kamao lang
ni Rene Villanueva
Sa pelikulang "Endo," gusto ko ang
tagpong matapos isabong ni Ricky Davao ay naghuhugas siya ng mga
tilamsik ng dugo ng namatay na manok sa kanyang binti. Malinaw na na
natalo at namatay ang pinakamamahal niyang si Cocky.
At gusto ko
ang puntong iyon ng munti at tahimik, ngunit nakatitigatig, na
pelikulang ito. Dahil nililinaw nito ang halaga ng paglaban para sa mga
karaniwang tao tulad ng maraming nakatanga lang sa malapad o makitid na
iskrin ng kung ano-anong kabulastugan at walang wawang kababawan ng
marami sa ating mga pambansang institusyon. Iyon muna ang mahalaga,
bago ang ano pa man - ang maganyak ang bawat isa sa atin na lumaban.
Huwag magkasya na basta lang makaraos. Huwag masiyahan na tayo'y
patuloy lamang na umiiral. Dahil ganoon ang ibig sabihin ng buhay.
Hindi sapat iyon para magkaroon ng katuturan ang ating pamumuhay.
Ang
kawalan ng simbuyo para lumaban ay katumbas lang ng pagmimiron sa
buhay. Pinanonood lang natin ang ating mga kasawiang-palad. Naging
marikit ang pagkatalo ni Cocky sa "Endo" dahil sinasabi nito na sa
paglaban, hindi kasinghalaga anoman ang kahinatnan ng pagkukuyom ng
ating mga kamao at tahasang paghamon sa mga dapat nating tutulan at
hamunin. Hindi tayo lumalaban dahil siguradong mananalo o may malaking
tsansa ng tagumpay. Lumalaban kahit matalo, dahil ganoon ang buhay.
Walang kasiguruhan, ngunit laging isang pakikipagsapalaran na dapat
nating kasangkutan at hindi panoorin lamang.
Marahil ito ang
kaibahan natin sa mga Manny Pacquiao. Hindi tayo mga Pambansang Kamao
na hinuhulaang magiging kampeon ng mundo matapos ang ilang rounds ng
salpukan. Ang mga kamao nati'y karaniwang payatot at mabuto, mas
pinatibay ng pagwawalis, pagluluto. paglilinis ng inodoro o anumang
karaniwang trabaho; sa halip na pinalakas ng diet at training.
Kaya
dapat mag-ingat-ingat lahat ng umaabuso at tumatapak sa atin, lahat ng
kumukumbinsi sa ating sapat nang masiyahan tayo sa buhay na basta
makaraos lang dahil balang araw, itataas natin ang mga payayot na kamao
at at ang mga pagmumukha nila ang sasalaksakin natin sa halip na ang
sikmura ng mga inodoro. At mapatutunayan din natin na tayo ang mga
tunay na kampeon kahit sa labas ng ring. ###
Si Rene Villanueva (1954-2007) ay isang tanyag na guro, manunulat, at rebolusyonaryo.